A Guide to the NBA Fan
Posted: May 31, 2012 Filed under: Sports, TV | Tags: Kobe Bryant, LeBron James, NBA 4 Comments »Tuwing mga bandang Mayo, nag-iiba ng kilos ang karamihan sa mga kalalakihan sa Pilipinas. Gumigising sila ng mas maaga. Hindi pumapasok sa trabaho ang iba kahit wala namang sakit. Hindi muna sinasagot ang mga text ng girlfriend. Hindi pinapansin ang naglalambing na asawa. Nagbibingi-bingihan kapag tinatawag ng nanay para maghugas ng plato. Napapamura na lang bigla habang nanunuod ng TV. Kapag nag-iinuman sa gabi, akala mo kung sinong mga eksperto at dalubhasa kung mag-usap. Kapag medyo nakarami na ng inom, nauuwi pa sa murahan ng mga ina paminsan.
Yes, ladies and gentlemen, the NBA Playoffs are once again upon us.
Para sa isang bansa katulad ng Pilipinas na baliw sa basketball, ito na ata ang pinakamalaking sporting event ng taon. Ang masaklap na katotohanan ay hindi tulad ng ibang bansa, salat tayo sa mga sporting events na aabangan dito sa Pilipinas. Dalawang beses lang lumaban si Pacquiao sa isang taon. Wala pa naman talagang pakialam ang nakararami sa soccer. Liban kay Baby James, wala naman na atang nanunuod ng PBA masyado. So ano pa bang ibang meron diba? (Star Olympics ba kamo? Nakakahiya ka)
Tanungin mo ang kahit sinong may Twitter at walang makakatanggi na parte ng buhay ng maraming lalake ang panunuod ng NBA. Asahan mong tuwing may laban, uulanin ang timeline mo ng mga tweets tungkol sa pagiging bwakaw ni Kobe, pagiging duwag ni LeBron, balbas ni James Harden, at ang napapanot na ulo ni Manu Ginobili.
Iba’t iba ang mga NBA fans sa Pilipinas. Kumuha ka ng kahit sinong dalawang lalake at malamang hindi sila magkakasundo sa mga teams na gusto nila. Pero kahit ganun pa man, kaya natin yang i-classify sa loob ng 6 grupo. Hindi pa to ang lahat, pero maraming papasok sa 6 na grupong ito.
Ladies and gentlemen, inihahandong ko sa inyo ang mga NBA fans na matatagpuan sa Pilipinas.
The Quinito Hensons
Ito yung mga “Quinito Henson” na laging may opinion tungkol sa kahit anong team. Sila yung kadalasang nagbabasa ng mga articles sa ESPN.com tungkol sa NBA at magpapanggap sa mga kaibigan nila na sa kanila nanggaling ang opinyon na yun at hindi nabasa sa kung saan. Ang ilan sa kanila ay wala naman talagang kinakampihang team pero sinusundan nila ang lahat ng laban para sila ang bida sa mga inuman.

Ano namang sinabi ni John Lloyd Cruz sa isang Quinito Henson diba? Wala! Walang wala! 62 years old na mukha pa ring matinee idol!
Hindi lahat ng mga “Quinito Henson” na ito ay magaling mag basketball. Actually marami ang hindi magaling. Pero hindi mo mahahalata kase kung mag salita sila akala mo kasabayan nilang maglaro si Nelson Asaytono nung araw.
Lumalabas rin ang mga Quinito Hensons sa ibang mga events tulad na lang ng tuwing may laban si Pacquiao at kapag may iniimpeach na pulitiko.
The Underdogs
Ito yung mga taong for some reason ay mahilig sa mga bulok na teams tulad ng Detroit Pistons, Sacramento Kings, at Charlotte Bobcats. Siguro gusto lang nilang maiba. Galit sila sa malalakas at matunog na teams tulad ng Miami Heat at Los Angeles Lakers. Ayaw nila sa mga teams na may “superstar” dahil hindi daw marunong mag laro ng “team basketball”. Posibleng masaya lang talaga sila sa pagiging dehado. Parang mga pelikula ni FPJ, naniniwala sila na ang mga bida ay nagpapabugbog muna sa simula tapos babawi sa dulo. Ang hinala ko, ito yung mga taong parang tumataya sa lotto. Umaasa sila na balang araw, magkakamilagro at gugulatin sila ng inalagaan nilang mga numero. At gaya rin ng lotto, bihira lang ang pinagmimilagrohan. Mas may pag-asa pa siyang biglang kumatok sa pinto niya si Anne Curtis na naka-bath robe lang kesa mag champion ang team niya.
Mga Deboto ni Kobe Bryant
Itong grupong to ang pinakamahirap paliwanagan ng ibang mga basketball fans. Ito yung mga taong deboto ng Patron Saint ng Basketball na si Kobe Bean Bryant ng Los Angeles Lakers. Murahin mo na ang mga nanay nila wag lang si Kobe Bryant at kung hindi ay dadanak ang dugo! Sila yung napapangiwi sa bawat pilit na tira ni Kobe Bryant pero hindi aaminin sa ibang tao at sasabihin lang na “Bakit?! Kung ikaw si Kobe mas gusto mo bang tumira si Josh McRoberts kesa sayo?! That was a good shot, di lang pumasok!”
Sila rin yung pag sinabihan mong rapist si Kobe ay dedepensahan siya na consensual sex ang nangyari at hindi rape yun. Pero pag naipit, sasagutin ka ng “Sana ma-rape ka rin ni Kobe, gago!” Pero nakakabawi sila tuwing makakatira si Kobe ng buzzer beater, gagawa ng 40 points kahit pilay sa isang kamay, at iiskor ng 81 points kahit pa walang assist.
Iba pa sila sa mga Laker fans dahil ang mga Kobe fans si Kobe lang talaga ang sinusuportahan. Wala silang pakialam sa ibang players sa Lakers. Kung ilipat mo si Kobe sa Utah Jazz, Utah Jazz na ang bagong team nila. Kung paglaruin mo si Kobe ng Sepak Takraw, Sepak Takraw na ang papanuorin nila.
LeChokers
Sila ang mga mga mahihilig kay LeBron James aka Karl Malone version 2.0. Hindi mo naman sila masisisi kasi talaga namang magaling si LeBron James pero alaskado sila dahil tila nababahag ang buntot ni LeBron James tuwing crunch time. Hindi rin madepensahan na imbis na talunin ang competition ay minabuti ni LeBron James na maging “Scottie Pippen” sa “Michael Jordan” ni D-Wade at “Dinosaur” ni Chris Bosh.
Dahil rin may pagka-douchebag si LeBron James paminsan, maraming hindi nakakaintindi kung bakit gusto ng mga tao si LeBron James. Siguro sila yung mga taong pag nanunuod ng Mara Clara ay kampi kay Clara at pag nanunuod ng Harry Potter ay kampi kay Voldemort.
Pero mahirap makipag-diskurso sa mga to kase talaga namang pag hindi dinadaga ang dibdib ni LeBron, siya ang pinakamagaling na player sa buong NBA. Minsan parang pang video game ang mga stats niya at tila napakadali ng larong basketball para sa kanya. Kaso ginawa nila tong celebration na to bago pa man manalo ng kahit anong championship so bwisit ang karamihan ng mga NBA fans sa kanya:
(Pero bago pa nila ginawa yan, bwisit na ang mga tao kay Chris Bosh for some reason. Siguro dahil dapat extinct na siya? Ewan)
Tandercats
Ito yung mahilig sa mga veteran teams tulad ng San Antonio Spurs, Boston Celtics, at Dallas Mavericks. Kadalasan na kasama sa grupong to e mga tiyuhin mo na mahilig uminom ng Pale Pilsen kahit araw ng trabaho, pero hindi naman lahat ng “Tandercats” ay matatanda. Ang mga fans ng team na to ang nakakaappreciate ng tamang paraan ng paglalaro ng basketball. Sila yung nakakaappreciate ng magandang depensa at galaw ng bola.
Madalas nga lang silang mabigo pag nakikita na nilang unti-unting nagbabagsakang parang langaw ang mga players nila dahil sa injury at katandaan. Halos lagi rin silang underdogs (not unless they are the Spurs) kaya mas matamis ang pagkapanalo pag nadadaig nila ang mga batang teams tulad ng Oklahoma Thunder at Miami Heat.
NBA Hipsters
Ito yung mga taong wala naman talagang pakialam sa NBA pero nakikiuso lang. Wala naman silang alam tungkol sa basketball pero nakiki-mura kay LeBron at Kobe. Nung nananalo ang Lakers dati, galit sila sa Lakers. Nung lumipat si LeBron sa Miami, galit na sila sa Miami. Nung sumikat si Jeremy Lin, naki-”Praise the Lord” rin sila kahit hindi naman nila napapanuod si Jeremy Lin. Kapag tanungin mo siya kung sinu-sino ang starting five ng San Antonio Spurs malamang hindi niya masasagot. Ito rin yung mga taong dalawang kamay kung mag dribol ng bola.
Pero siyempre hindi naman mawawala ang mga taong talagang mahal lang ang laro ng basketball kesyo NBA pa yan, PBA, UAAP, FIBA, o liga sa baranggay. At hindi mo naman sila masisisi. Hindi matatawaran ang pakiramdam pag nakita mong pumasok ang game-winning shot ng iniidolo mong player. At kapag nakikita mong naghihiyawan ang libo-libong mga taong hindi mo kilala? Ang sarap ng pakiramdam na malaman mong bahagi ka ng isang bagay na mas malaki pa sayo at sa katauhan mo. May kakaibang ligaya na makitang mabuo ang isang magandang play na nadaan sa disiplina, tiyaga, at tiwala sa mga kakampi. Kaya naiinis tayo pag hindi pinapasa ni Kobe ang bola sa libreng Pau Gasol. Bakit ba tayo naiinis kay LeBron na ayaw niyang tumira sa 4th quarter? Kasi bilang mga sports fans, gusto nating mamangha. Gusto nating makakita ng kagila-gilalas na talento na minsan lang sa isang henerasyon kung masilayan. Gusto nating dumating ang isang araw na masasabi natin sa mga apo natin na, “Akala niyo magaling na yan? Kung napanuod niyo si LeBron James noon diyos ko po, 4 na nakabantay pumapasok pa rin! Magkakape muna yan sa ere bago bumaba!”
Pero bakit ganito na lang katindi ang pakialam natin sa basketball? Ewan ko pero sa tingin ko marami kasing nasasabi ang larong basketball tungkol sa buhay. Kahit gaano ka pa kagaling, balewala kung magsosolo ka. Kapag wala kang puso at tiwala sa sarili, hindi ka magwawagi sa buhay. Kapag nanalo? Magpasalamat at namnamin ang tagumpay dahil posibleng matalo sa susunod. At kapag natalo? Bumawi! Laging may next game. At may next game. At may next game.








Ayos ah, meron agad akong naiisip na character references sa mga nabanggit mo na kakilala natin. Mukhang alam ko kung sino2 pinaghugutan mo nito haha maliban nga pala sa isa: sino ang maka-lebron satin??
Maka-LeBron yan si Neo ayaw lang umamin simula nung naging Miami si LeBron hahaha
Kala ko si neo si quinito eh haha
Ako ay kalahating Tandercats at kalahating NBA Hipster. Hindi naman talaga ako Spurs fan pero kahit sinong magpapaiyak kay LeBon, mamahalin ko. Hindi ko maipaliwanag kung bakit bwisit na bwisit ako sa mukha ni LeBron. Nung nagbunyi ang buong Pillipinas dahil may dugong Pinoy si Spoelstra, wala ako pakialam kasi si LeBron ang kinu-coach nya. Nung ginawang cover ng Vogue si LeBron kasama ni Gisele, muntik ko na isumpa si Anna Wintour. Hindi, hindi talaga maipaliwanag. hahaha
Ang saya talaga ng basketball. Kahit sportsfest nga lang sa office, napapaayaw kami e.